Ilaw ni Juan


ILAW NI JUAN
ni Joseph Contreras

Pupungas-pungas akong bumangon sa kama. Nagising ako mula sa pagkakatulog. Pawis na pawis at init na init ang pakiramdam ko. HA? Alas-dos pa lang pala ng madaling araw. Nawalan na pala ng ilaw. Kapa-kapa ko kung saan ko inilagay ang flashlight. Wala akong kamalay-malay sa ganitong schedule ng brownout. Kung alam ko lang sana eh napaghandaan ko.

ILAW…. Aapat na letrang salita pero napakalaking halaga para sa isang taong kagaya ko. Kahit hindi ipaliwanag pa, napakalaking silbi nito sa loob ng bahay, sa labas ng bahay at lalo na sa aking pinagkikitaan para sa pamilya ko. ILAW na karapatan ko pero dahan-dahang ipinagkakait sa akin.

NOON, pilit kong inunawa kung bakit kailangan magbawas ng kuryente ng SOCOTECO, 3 buwan na ang nakalilipas. Sabi nila, gawa ito ng kalikasan, ang EL NINO. Tama! Nauunawaan ko. Kahit sa simula pa lamang ay may pagtataka na ako at walang alam kung anong oras mawawalan ng kuryente. Yon ay sa kawalang-abiso ng Socoteco. Nabahala lalo ako ng ideklarang “state of calamity” ang aking lungsod dahil sa malimit na pagkawala ng kuryente. Naisip ko agad ang kabuhayan ko na pinagkukunan ng pang araw-araw na gastusin ng aking pamilya. Ang masaklap pa nito, ang inaasahan kong kumpanya na namamahala ng kuryente hanggang sa pangyayaring ito ay hindi pa rin naging responsable para ipaalam man lang sa akin ang schedule ng brownout. Disin sana’y napaghandaan ko kung paano gagamitin ng wasto ang panahon na may kuryente. (halimbawa schedule sa paglaba, pagplantsa, at sa opisina ay madoble ang trabaho).

NGAYON, aba… aba…. at sa kadahilanang walang kibo ang karimlan kong malay ay umabuso naman ang Socoteco. Nagdeklara pa ng 12 oras na pagkawala ng kuryente sa bawat lugar. Wala pa man ay iniinda ko na ang sakit ng hagupit sa pangyayaring ito. Pakiramdam ko’y sinasakal ako. Mantakin ko mang isipin aba’y naglabas sila ng ganong memoramdum na pabigla-bigla. Sana man lang gumawa sila ng sulat para sa akin na nagpapaliwanag sa pangyayaring ito para naman maunawaan ko ang hakbang nilang ito. 'Yun ay kung kaunaunawa ngang maiituturing! Sa aking pagkabahala ay napatawag ako sa kaibigan ko sa ibang lugar. Mataas na raw sa kanila ang 2 oras na mawalan ng kuryente at nagpapaliwanag daw kaagad sa kanila ang kumpanya ng kuryente at ipinapaalam ang schedule ng “rotation brownout.”

Aking napagtanto na SOBRA NA ITO! Tama na ang pagbubulagbulagan at pagbibingi-bingihan ko. Hindi ako tikum-bibig na lang na tatanggapin ang ginagawang ito sa akin. Dapat nang gawin nila ang nararapat nilang ginagawa upang maisaayos ang lahat. Sila (Socoteco) naman ang gigisingin ko sa gitna ng sitwasyong ito. Hindi habang panahong BULAG, PIPI, AT BINGI ang kagaya kong simpleng mamamayan. Hindi ako papayag na ipagkait pa sa akin ang kung ano ang dapat sa akin.

AKO si Juan dela Cruz ay hindi na papayag na mabalewala ang karapatan dapat kong tinatamasa.

AKO si Juan dela Cruz ay GISING NA na at sumusuporta sa mga adhikain ng ILAW PARA SA GENSAN MOVEMENT.

IKAW kelan ka magigising????

2 comments:

vinceleste May 21, 2010 at 5:45 PM  

May pag-asa pa. Count my sopport for ilaw para sa gensan.

nanardxz May 24, 2010 at 4:47 PM  

full support din ako d2.. para sa bayan :P

Post a Comment

  © Web Design ILAW by nanardxz 2010

Back to TOP